Ang Digmaan ay Nasa Internet Din
Napagnilayan at naiintindihan po naming mag-asawa na bahagi ng aming misyon sa buhay na ito ay maimulat ang mga tao tungkol sa “lugar” o “teritoryo” na kung tawagin ay “Internet”. Itong Internet ay bahagi na ng mundong ginagalawan natin, ng buhay at kultura ng mga tao. Kung saan nananatili ang mga tao, ay naroon din “Ang Digmaan” at meron ding mga tinawag para harapin ang laban sa bawat teritoryo.
Narito ang ganitong webpage at ang kabuuan ng website na ito para magsilbing “rallying point” nating mga sumusunod kay Cristo Jesus, at gagamitin natin ang pinakamatinding mga armas na ginamit din ng mga nauna sa atin:
Katotohanan, Karunungan, Pagmamahal
Sa kagustuhan na ang Internet ay maging mas maka-Diyos higit sa pagiging mas maka-mundo, tatalakayin natin dito ang ilang malalaking usapin na nakaka-impluwensya sa pag-iisip at pagdesisyon ng mga gumagamit ng Internet:
- Pinagkakakitaan o Online Earning
- Kalaswaan o Kahalayan
- Pananamantala at Krimen
.. at pwede rin ang iba pa, ayon sa ano ang atin pang matuklasan na dapat linawin at harapin natin bilang mga Kristiyano.
At unahin natin ang karera na aking pinili at ipinaglaban:
Online Earning
Kahit sa karaniwang buhay sa labas ng Internet, ang isang tukoy na programa o kumpanya o sistema ay nagdudulot ng magkakaibang resulta para sa magkakaibang mga tao.
Walang masama sa ganito, at kaya iba-iba ang nagiging epekto ay dahil sa maraming bagay na hindi natin kontrolado, tulad ng pansariling sitwasyon, ugali, pagkakaunawa, kakayahan, at panahong inilalaan ng iba-ibang tao nga.
Bakit napakaraming tao ang nahihirapan at nabibigo na kumita sa pamamagitan ng Internet?
Ang isang dahilan ay iniisip ng marami na magagawa ng Internet ang ilang mga bagay na imposible. Ang sabi sa kanila ay kailangan lang mag-join sa isang program, maglagak ng konting pera, at pagkatapos ay kikita na sila kahit natutulog dahil merong ibang taong nagpapalago ng pera nila para sa kanila!
Nararapat lang na magkasundo tayo tungkol sa mga bagay na hindi magagawa ng Internet.. isa dito ay..
Hindi makakapag-manufacture ang Internet ng kanyang sariling pera.
Kahit pa gaano katindi o kahusay ang Internet sa maraming bagay, wala itong kakayahang mag-produce ng sarili niyang salapi.
Para kumita ka, kailangan mong magtrabaho, gumawa. Ito ay isang bagay na hindi mababago ng Internet. Pinabilis at pinadali lang ng Internet ang paraan ng pagtrabaho at kitaan ng pera.
Gayunman, sa pamamagitan ng Internet, ang minsan mong ginawa ay pwedeng magdala sa iyo ng tuloy-tuloy na income o iba pang resulta. Halimbawa, nakikita ninyo at nababasa ngayon ang nakalagay sa webpage na ito, na hindi ko kailangan na bantayan ito o baka nga natutulog ako ngayon o kaya naman ay nasa byahe papunta kung saan.
PAUNAWA: Paano pinagkakakitaan ang Internet? Ang mga totoo at pinasimpleng konsepto ay ipinaliwanag dito.
PAUNAWA: Hindi pa kumpleto ang webpage na ito, pero pwede po kayong magpadala ng inyong mga feedback / opinion / comment sa aking email jayson@www.couplesforchrist.me at susubukan kong isama sa website na ito ang matatamaan na (mga) isyu ng inyong mensahe.