5

CFC Covenant Orientation Talk No. 2 – PRAYER AND SCRIPTURE (Filipino Version)

 

Panalangin at Banal na Kasulatan (Prayer and Scripture)

 

 

A. PANIMULA

 

 

1. Ang panalangin at Banal na Kasulatan ay mga napakahalagang kasangkapan upang umunlad sa buhay-pananampalataya bilang mga Kristiyano.

 

 

2. Kailangan nating makilala nang husto ang Diyos at Kanyang mga pamamaraan. Pinaka-payak na paraan na magagawa natin ang pagkilalang ito ay ang pakikipag-usap nang tuwiran sa Kanya (pananalangin), at sa pag-aaral ng Kanyang Salita (Banal na Kasulatan).

 

 

3. Bilang CFC, tayo ay may pangako at pananagutan na araw-araw na maglaan ng pansariling oras para manalangin, at araw-araw na maglaan ng oras para magbasa ng Bibliya.

 

 

B. DAHILAN NG KAWALAN NG ORAS SA PANSARILING PANALANGIN

 

 

1. “Nagsisimba naman ako (Banal na Misa) at sapat na ito.”

 

a) Ang tinutukoy natin dito ay oras sa pansariling panalangin.

 

• Mag-isa; ang sarili kasama ang Diyos.

• Ito ay kinakailangan para sa pagpapaunlad ng ating malalim, malapít na personal na pakikipag-relasyon kay Jesus.

 

b) Ang Banal na Misa, rosary, novena, atbp., ay iba-ibang uri ng panalangin. Gayunman, hindi natin dapat balewalain ang pagkakaroon ng oras sa pansariling panalangin.

 

 

2. Kakulangan sa pagkaunawa tungkol sa panalangin

 

a) Karamihan sa atin ay tinuruan kung paano manalangin noong maagang panahon ng ating pagkabata, pero hindi natin natutunan ang dahilan kung bakit dapat tayong manalangin. Nakikita ng karamihan ang pananalangin bilang paghingi lamang ng kung anu-ano mula sa Diyos.

 

b) Para sa atin, ang pananalangin ay dapat maging daan para makipag-usap sa Diyos at makapagtalaga ng pansariling pakikipag-relasyon sa Kanya. Sa ating pakikipag-usap, higit na nakikilala natin ang Diyos, at nakakadagdag ito sa ating batayan para lalo pang mahalin ang Diyos.

 

 

3. “Wala akong oras para diyan.”

 

a) Marami naman tayong oras sa maraming iba-ibang gawain na pinagkaka-abalahan natin sa buhay.

 

• Ang tunay na problema ay hindi kawalan o kakulangan sa oras, kundi ang mismong pag-uugali natin.

• Kung itinuturing natin na ang panalangin ay may sapat na halaga, mahahanapan natin ito ng oras.

 

b) Itanong natin sa ating sarili ang dalawang tanong na ito:

 

• Kung hindi ba ako abala sa pag-trabaho, magiging abala ba ako sa pananalangin?

• Kung pagkakalooban ako ng Diyos ng dagdag na oras sa araw na ito, agad-agad ko bang ilalaan ito sa pansariling panalangin ko?

 

 

4. “Hindi ako karapat-dapat.”

 

a) May ilang mga tao na punó ng kamalayan sa sariling pagkakasala (GUILT) dahil na rin sa mga pagkakamali at kahinaan, kung kaya nakakalikha ng pakiramdam na di-karapat-dapat lumapit sa Panginoon.

 

Tama, tayo ay hindi karapat-dapat na pumasok sa presensya ng isang banal na Diyos. Pero nakatatanggap na tayo ng kapatawaran sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Tayo ay napanumbalik na, sa ating relasyon sa Diyos bilang Kanyang mga anak.

 

b) Ang demonyo ay laging susubukin na kumbinsihin tayo tungkol sa pagiging di-karapat-dapat.

 

• Hindi natin dapat hayaan ang mga kasinungalingan ni Satanas na mapigilan tayo sa pakikipaglapít na nais ng Diyos na makuha natin.

 

c) Alalahanin na habang may pagnanais tayo na manalangin, malinaw na palatandaan ito na nag-uudyok ang Panginoon mismo para tayo ay maglaan ng oras sa Kanya.

 

• Ang Panginoon ay hindi magtatanim ng ganitong pagnanais sa ating puso para biguin lamang tayo. Hindi Niya tayo pangungunahan na hanapin ang isang bagay na imposible nating makamit.

• Kaya nga, kahit pa madama natin na hindi tayo karapat-dapat, tayo ay lalong dapat manalangin.

 

 

5. “Masyadong mahirap magdasal.”

 

a) Mahirap dahil tayo na rin ang nagpapahirap dito.

 

• Masyadong malaki ang inaasahan natin na magagawa natin, na naglalagay ng kabigatan.

• Tinitignan natin na modelo o dapat gayahin ang paraan at oras ng panalangin ng iba.

 

b) Simple lang naman talaga ang panalangin –ito ay ang pagpasok sa presensya ng isang nagmamahal na Diyos at hayaan Siya na mahalin tayo at hipuin ang ating buhay.

 

c) Ang mga pamamaraan at techniques ay makakatulong, kung may masusundan man ay nakakagabay ito, pero ang dapat sandalan ng ating panalangin ay ang personal na ugnayan natin sa Diyos, ang magawa ito sa ating personal na istilo o paraan.

 

 

C. ANO ANG DAPAT GAWIN?

 

 

1. Gumawa ng pananagutan na manalangin sa isang itinakdang oras.

 

a) Magpasya kung kailan ang pinakamahusay na oras na mailalaan para sa Panginoon.

 

• Kailan ba ako pinaka-alerto o pinakahanda na makasalo ang Diyos?

• Ang oras na ilalaan sa panalangin ay hindi tira-tirang oras na lang.

 

b) Kung kakayanin, gawin ang takdang oras na ito ang iyong karaniwan o regular na pansariling oras ng panalangin sa bawat araw sa isang buong linggo.

 

• Kapag naging bahagi na ang pananalangin ng ating “nakasanayan” o “routine” ay napapadali na, na maging matapat tayo sa ganitong gawain sa araw-araw.

• Maging handa na iayon ang sarili kung kinakailangan dahil sa magkakaibang gawaing nakatakdang magampanan mo, sa bawat linggo.

 

c) Ipaglaban mo ang oras na ito ng pansariling panalangin.

 

 

2. Kung nagsisimula ka pa lamang, simulan mo sa maikling oras ng panalangin.

 

a) Sa ating covenant card nabanggit na hinihingi ang 15 minuto man lang.

 

• Kung para sa iyo ay mahaba pa ito, magsimula ka sa maikling oras na magaan sa iyo at kaya mong tuparin.

• Muli, hindi tayo naghahabol sa saktong haba ng oras, kundi ang mas mahalaga ay mapaunlad ang ating personal na pakikipag-relasyon sa Diyos – iyong haba ng oras ay nadadagdagan habang nagaganap ang pag-unlad na ganito.

 

b) Maglaan ng karagdagang oras sa paglago mo sa panalangin. Mapapansin mo na ang 15 minuto ay napaka-ikli lang pala.

 

 

3. Maghanap ng angkop na lugar kung saan hindi ka maaabala.

 

a) Halimbawa ni Jesus

Lucas 5:16

NGUNIT SI HESUS NAMAN AY PUMUNTA SA MGA ILANG NA LUGAR UPANG MANALANGIN.

 

Lucas 6:12

NANG PANAHONG IYON, UMAKYAT SI JESUS SA ISANG BUNDOK AT MAGDAMAG SIYANG NANALANGIN SA DIYOS.

 

Mateo 14:23b

MAG-ISA SIYANG UMAKYAT SA BUNDOK UPANG MANALANGIN. NAG-IISA SIYANG INABUTAN DOON NG GABI.

 

Marcos 1:35

MADALING-ARAW PA’Y BUMANGON NA SI JESUS AT NAGPUNTA SA ISANG LUGAR KUNG SAAN MAAARI SIYANG MANALANGING MAG-ISA.

 

b) Panuto ni Jesus

 

Mt 6:6a

NGUNIT KAPAG MANANALANGIN KA, PUMASOK KA SA IYONG SILID AT ISARA MO ANG PINTO.

 

c) Utang natin sa Diyos ang ating di-nahahating atensyon.

 

 

4. Manindigan na maging bukas sa inspirasyon ng Espiritu Santo.

 

a) Mga pamamaraan o techniques, tulad ng A.C.T.S. (Adoration – Contrition – Thanksgiving – Supplication), ay katanggap-tanggap, basta hindi tayo nakapako sa ganitong paraan.

 

b) Maging bukas sa pagkakaiba-iba ng panalangin ayon sa Espiritu Santo.

 

• matahimik kumpara sa mapaghayag

• iba-ibang pisikal na postura

• nagsasalita o nakikinig

• pananalangin sa tongues o naiibang wika na puspos ng Espiritu Santo

 

c) Ang layunin ay hindi “manalangin nang mahusay;”ang layunin ay pumasok sa isang pakikipagkaisa sa Diyos.

 

 

5. Harapin ang mga hadlang sa panalangin.

 

a) Mga alalahaning nakaka-abala sa atin

 

• Kilalanin na kayo ay nagtutungo sa presensya ng inyong mapagmahal na Ama, na Siyang may kakayahang magkaloob nang masagana ng anumang pangangailangan ninyo.

• Ipagsamo (INTERCEDE) ang lahat ng inyong alalahanin at ipagkatiwala ito sa mga kamay ng Diyos.

 

b) Labis na pag-aalala sa ganda o husay ng panalangin

 

• Hindi inaalala ng Diyos ang ating pamamaraan o ang pagiging mapagparangal sa ating mga panalangin, kundi sa ating pagnanais na makipagkaisa sa Kanya.

• Ang panalangin ay ang payak na katotohanan ng paglapit ng isang anak sa presensya ng kanyang Ama.

• Tutulungan tayo ng Espiritu Santo

 

Roma 8:26

GAYUNDIN NAMAN, TINUTULUNGAN TAYO NG ESPIRITU SA ATING KAHINAAN. HINDI TAYO MARUNONG MANALANGIN NANG WASTO, KAYA’T ANG ESPIRITU ANG DUMARAING PARA SA ATIN, SA PARAANG DI NATIN KAYANG SAMBITIN.

 

c) “Tagtuyot”

 

• Ang espiritwal na katuyuan o tagtuyot sa panalangin at kahit sa mismong kabuuan ng ating buhay-Kristiyano ay nangyayari. Normal ito at hindi dapat ikabahala.

• Minsan, ang tagtuyot na ganito ay nagmumula sa Diyos mismo. Tila gusto Niyang malaman kung ang ating katapatan at pananampalataya ba ay nagmumula sa kapanatagan at kasiyahang nararanasan natin sa pananalangin, o sa totoo ay ang pananatili ng Kanyang presensya.

• Kaya nararapat na tayo ay magpunyagi o magtuluy-tuloy lang sa ating panalangin, kahit sa panahon ng espiritwal na pagkatuyo. Ang panalangin ay ating pananagutan, higit sa isang nararamdamang karanasan.

 

d) Kahirapan sa pakikinig o madinig ang Panginoon

 

• Ang panalangin ay hindi lang pakikipag-usap sa Diyos, kundi pakikinig din sa Kanya. Tayo ay nakikinig sa katahimikan ng ating mga puso.

• Ang panalangin ay hindi lang paghingi ng anuman mula sa Diyos, kundi pagpapaubaya na hubugin ng Diyos ang ating puso at isipan.

• Madalas, ang kalikasan natin bilang tao ang nagpapadali na tayo ang magsalita, at nagpapahirap na makapakinig tayo. Kailangan na matutunan natin na parehong maisagawa ang mga ito.

 

 

D. BANAL NA KASULATAN AT PAGBASANG MAY INSPIRASYON

 

1. Bukod sa araw-araw na pansariling panalangin, tayo ay kailangang magbasa at magbulay-bulay ng Salita ng Diyos.

 

a) Ang Bibliya ang ating aklat ng karunungan upang makapamuhay tayo bilang mga Kristiyano na puspos ng Espiritu Santo.

 

b) Ang Bibliya ay may kapangyarihang hatulan at baguhin ang ating buhay.

 

Hebreo 4:12-13

ANG SALITA NG DIYOS AY BUHÁY AT MABISA, MAS MATALAS KAYSA ALINMANG TABAK NA SA MAGKABILA’Y MAY TALIM. ITO’Y TUMATAGOS MAGING SA KAIBUTURAN NG KALULUWA AT ESPIRITU, NG MGA KASU-KASUAN AT BUTO, AT NAKAKAALAM NG MGA INIISIP AT BINABALAK NG TAO.

WALANG MAKAPAGTATAGO SA DIYOS; ANG LAHAT AY HAYAG AT LANTAD SA KANYANG PANINGIN, AT SA KANYA TAYO MANANAGOT.

 

c) Ang Bibliya ay may kakayahang magbigay ng inspirasyon at kalakasan sa ating pagharap sa paghihirap ng buhay.

 

• Madalas, sa pagtagal, ang pagbabasa natin ng Bibliya ang gagabay sa mga babasahin na saktong nangungusap nang tuwiran at personal na naaayon sa ating pansariling sitwasyon.

 

 

2. Iminumungkahi na ipaloob natin ang pagbabasa ng Bibliya sa oras ng ating pansariling panalangin.

 

a) Ang pagbasa ng Bibliya at panalangin ay nauugnay sa isa’t isa.

 

b) Maaaring gumamit ng kasangkapan, mga magasin o ibang babasahin, na nagtuturo na makapanalangin na nakabatay sa Banal na Kasulatan.

 

 

3. Dapat pa rin na maglaan tayo ng oras minsan sa isang linggo upang mapag-aralan nang paunti-unti ang Bibliya.

 

 

4. Dapat tayong magbasa ng mga Kristiyanong aklat.Iminumungkahi na makapagbasa tayo ng isa man lamang na Kristiyanong aklat sa loob ng isang buwan.

 

 

E. PAGLALAGOM

 

 

1. Ang kakulangan ng oras sa pansariling panalangin ay sumasalamin sa kakulangan ng katapatan sa Panginoon.

 

 

2. Sa pagbabalewala ng panalangin, aanihin natin ang kapalit sa anyo ng mahinang buhay-Kristiyano, na walang kapayapaan at walang patutunguhan.

 

 

3. Sa ating pananalangin at pagbabasa ng Bibliya, tayo ay kumakapit sa kapangyarihan ng Diyos.

 

 

Gabay sa Participants: PANSARILING PAGNINILAY

 

 
1. Naging tapat ba ako sa aking pananagutan (CFC covenant) na manalangin at magbasa ng Bibliya araw-araw?

 

 
2. Ihayag ang pagmamahal sa Panginoon at kagustuhang makilala Siyang lalo, sa pamamagitan ng panalangin at Kanyang Salita.

 

 

5 Comments

  1. Bro.Jason pwedi po makapagdownload ng tagalog clp talk 1 to 12? Maraming salamat po.CFC Pampanga po kami Angeles city North Cluster

  2. GOD BLESS COUPLES FOR CHRIST! Bro, I’m Bro. Brian Elaydo from Oriental Mondoro. I graduated from CLP here last Nov. 2013 nd right now I was given the opportunity by GOD to become one of His speakers in CLP… Marami n rin akong naging talk in CLP but I want to enhance p ung knowledge ko bout GOD and at the same time become effective and efficient speaker… Just want to ask bout sa mga talks mo n copies… Any of it… Sana makpgsend ka… On saturday, ako po speaker ng talk 2 sa covenant… Just want to have the complete copy of ur talk and examples…tnx…

    • Bro. Brian.. kung ano po ang nakikita ninyo sa website na ito ay it pa lang po ang kumpleto.. nasa revision stage pa po ang iba pa.. salamat po sa pagtitiwala at panalangin..!

  3. Hi bro Jason, can we possibly download po Tagalog version ng ating CLP talks from talk 1 to 12. We are representing Couples For Christ Cannes, France. Thank you very much.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *