1

Ako ay Siyasatin Kung Tapat!

(Awit 139:23-24)

 

 Sinu-sinong CFC members ang nagpadama sayo ng pagmamahal ng Diyos? Sinu-sinong CFC members ang itinuturing mong tropa ni Cristo?

 

 Narito po ang TOP 5 para sa aming mag-asawa (Bro Jayson at Sis April Guevarra):

 

  • Bro Ruel at Sis Mae Valenzuela
  • Bro Jones at Sis Estela Catalan
  • Bro Nestor at Sis Girley Villanueva
  • Bro Nilo at Sis Theya Villanueva
  • Bro JM at Sis Cess Benito

 

 Hindi po natin tinutukoy dito kung sino ang nakakalamang. Hindi rin ibig sabihin nito ay hindi namin binibigyan ng halaga ang iba pa naming nakasama sa CFC Chapter Community (na sumasakop sa hangganan ng General Trias, Langkaan, Palapala, sa San Agustin sa bandang Via Verde area, at sa Paliparan sa hangganan ng Silang). Binibigyan namin ng pagkilala ang mga taong ito dahil na rin sa ginugol nilang panahon at pagkaka-ambag nila sa pagkahubog ng aming buhay-pananampalataya.

 

 Noong nakaraang Sunday kasi, November 9, 2014, ay nabigyan ang inyong mga lingkod ng assignment bilang speaker para sa huling talk sa idinaos na Household Leaders Training ng Cluster A (CFC Cavite Sector 2 Cluster A) sa Mom’s and Dad’s Resort, Lalaan, Silang, Cavite, sa panguguna nina Bro Lhoi at Sis Lhen Felonia. Ang talk ay tungkol sa pagtatasa (HLT Talk 16: Evaluation), at bilang paghahanda ay nag-text po kami sa aming mga kasama sa Chapter community (Chapter 2, sa pangunguna nina Bro Nilo at Sis Theya Villanueva) ng ganitong mga tanong:

 

 Sinu-sinong CFC members ang nagpadama sayo ng pagmamahal ng Diyos? Ibigay ang TOP 5 mo!

 

 Sinu-sinong CFC members ang itinuturing mong tropa ni Cristo? Ibigay ang TOP 5 mo!

 

 Nakakataba ng puso ang mga nakuha naming reply sa text messages dahil madalas na kasama kami sa kanilang TOP 5. Natutuwa rin kami dahil ang iba nating kapatid sa community ay nahirapan sumagot dahil marami daw ang members natin na pasok sa criteria na tinanong!

 

 Nang aming pinagninilayan at pinag-uusapan na mag-asawa ang mga tanong na iyon, natuklasan nga namin na medyo mahirap limitahan sa limang katao o individuals lang iyong sagot. Tama nga naman, dahil hinahangaan nga ng iba-ibang tao at grupo ang Couples for Christ dahil sa natatanging shared leadership na naipapakita nito bilang enlightened Christian community.

 

 Kaso nga lang, kahit isa-isahin na namin ang couples, pwede pa rin talagang sumobra sa 5 couples ang aming mailista bilang mga kasangkapan ng pagmamahal ng Diyos at mga ka-tropa ni Cristo Jesus.

 

 Gayunman, para sa layunin ng pagtatasa na natalakay sa talk na naka-assign sa amin, kailangan namin itong limitahan para mapalutang ang mga mahalagang aral. Sa katotohanan nga, kaming mag-asawa ay bumuo ng magkaibang listahan, at nakakaaliw na pareho ang aming resulta!

 

 Sa aktuwal na teaching event, wala ang ilang couples na nakalagay sa aming listahan, at ang leaders naman ng Cluster A ay meron pang pupuntahan para naman sa isa pang gawain din bilang CFC. Ayaw ko nga silang paalisin sa pagkakataong iyon, para marinig nila ang aming pagbabahagi, sa pagsisikap din naming matupad ang pagpaparangal at paggalang (na itinuturo sa teaching na CPR Talk 2). Ang suggestion ni Sis Theya, i-video daw sana ang panayam namin, pero naisip ni Sis April na pwede naman naming i-post dito sa aming website ang ganitong pagtatasa at pagkilala. Ang paglalahad na narito ngayon ay hindi ang saktong naibahagi namin sa nagdaang teaching.

 

 Batay sa aming mga karanasan, pagninilay, at pagsusuri, ang limang couples po dito ay maituturing na pasado sa kanilang pagsisikap na gampanan ang iniatang ni Jesus na misyon ng pagmamahal:

 

 

Bro Ruel at Sis Mae Valenzuela

 

 Buwan ng Abril taong 2011 nang dumating kami sa Pueblocillo, isang privately developed village sa loob ng FCIE Complex sa Langkaan I, Dasmariñas, Cavite. Wala pang 24 hours ay nakikipagkaibigan na sa amin ang mag-asawang may-ari ng tindahan sa gitna ng village.

 

 Si Bro Ruel nga ay halos gabi-gabi kung puntahan kami sa bahay at makipag-kwentuhan sa amin, tungkol sa anumang bagay na pwedeng mapag-usapan. Si Sis Mae naman ay magiliw at parang walang bagay na makakapagpalungkot sa kanya kung service lang din ang pag-uusapan. Ikinagulat pa ni Bro Ruel ang pagdating namin sa Christian Life Program sa simbahang gusali ng Parokya ng San Pablo Langkaan nang taon ding iyon, dahil nagmula kay Sis Mae ang invitation namin; lumalabas na di pa nila napag-usapan ang pag-invite sa amin dahil na rin sa abala sila sa kanilang mga gawaing-paglilingkod.

 

 Hindi ko na matandaan kung kalian nagsimula, pero ayon kay Sis Mae at sinang-ayunan naman ni Sis April, kami daw ni Bro Ruel ang bagong mag-bestfriend sa paligid! (Baka dahil kahit magkapitbahay ay nagtatawagan pa kami sa cellphone? O madalas na magkasama kami sa school service na minamaneho ni Bro Ruel? O nagkakape lagi sa tindahan nina Bro Nes at Sis Girley habang nagpapalitan ng kuru-kuro tungkol sa iba-ibang service? O sa mga gawain sa Knights of Columbus? O sa paggawa ng schedule ng Lay Ministers at choirs sa parokya?)

 

Ruel and Mae Valenzuela Couple

 

 Ang mag-asawa ding ito ang tumulong sa amin para pagkatiwalaan kami ng mga magulang sa Pueblocillo village sa aming pagbabahagi ng aming sarili sa katesismo ng mga bata. Hindi rin kami nahirapan sa pagiging bahagi ng choir sa parokya at sa Music Ministry ng CFC Chapter dahil sa kanila.

 

 Isang Hunyo, panahon ng CFC Global Anniversary.. bisita namin ang aking lola at nakisabay kaming mag-lola sa grupo na papunta sa Luneta para makiisa sa malaking gathering na ito. Hinatid ko sa Quezon City ang aking lola at hindi na ako bumalik sa Luneta. Kinabukasan, nang magkausap kami ni Bro Ruel, sinabi niya na ang intensyon ko lang daw pala talaga ay makisabay para maghatid sa aking lola at hindi para sa gathering.

 

 Tinasa na pala ako at alam kong nagkamali ako. Kaya ang sagot ko kay Bro Ruel ay isang pangako.. na kapag ako ay tumugon at kumilos para sa Panginoon, hindi ko “gagamitin ang Panginoon,” kundi hahanapin ko pa kung paano ako gagamiting kasangkapan sa anumang gawaing paglilingkod.

 

 Sa ibang mga bagay pa ay tumanggap na ako, kami, ng pagtatasa, at pwedeng sabihin na madalas ay nagmula nga kay Bro Ruel (na bestfriend ko pa sa Community!?). Si Bro Ruel ay isa sa mga tao na nakilala bilang matalas ang dila o nakakasakit ang binibitiwang salita, lalo sa pagtatasa at pagpapayo. Pero sa totoo lang, siya kasi ay nakilala ko, na alam kung paano magtasa at bukas din sa pagtatasa, lalo na kung ang usapin ay service sa Panginoon. Ayon sa kanya, kung anuman ang maging kapalit ng pagsasabi niya ng katotohanan o ng kanyang opinyon, ito na ang kanyang “premyo.”

 

 Sa lahat ng CLP sa ilalim ng kinabibilangan namin na Chapter group, mula nang makilala ko sina Bro Ruel, 100% ay meron silang na-invite na participants, at maganda rin ang retention o napa-graduate bilang CFC members! Sila nga ay active Evangelists para kay Lord.

 

 Hindi kataka-taka na mabunga o maraming resulta ang kanilang pagpapastol. Kung tatasahin sila bilang leaders, ang mga members na kanilang pinastol ay naging PFO (Pastoral Formation Officers) na, Unit Leaders (UL), Family Ministry Coordinators (FaMin), at mga Household Leaders (HL) ang iba pa. Sa ngayon, ang mag-asawang Bro Ruel at Sis Mae Valenzuela ay pinagkatiwalaan bilang Chapter Leaders ng Chapter 1 ng Cluster A (CFC Cavite Sector 2 Cluster A Chapter 1).

 

 

Bro Jones at Sis Estela Catalan

 

 Sina Bro Jonathan (ako lang po ang nagbansag sa kanya bilang “Jones”) at Sis Estela ang aming discussion group leaders o facilitators nang kami ay participants ng CLP. Tuloy-tuloy na nga silang naging Household Leaders namin. Nagsimula ang mag-asawang ito na mararamdaman ang kanilang kaba, pero hindi sila nagpaawat na magbahagi ng kanilang sarili.

 

 Sa kanila namin natutuhan na walang shortcut sa paglilingkod sa Panginoon; ang pinakamatinding paraan ay tunay na mahalin ang iyong pinapastol. At natutuhan namin ito nang hindi nila sinasabi ang ganito mismo, kundi ginagawa lang nila.

 

 At syempre, ang resulta nito ay hindi pwedeng hindi namin mahalin ang mag-asawang ito, na para bang sila ay mga nawawala naming mga magulang. Tumayo sila bilang tatay at nanay, kuya at ate, mga kaibigan, mga tao na kapag kasama namin ay alam namin na pwede kaming kumilos at maging kami na hindi kami basta huhusgahan.

 

 Hindi na naiwasan nina Bro Jones at Sis Estela na maging mainit ang Household group na pinapastol nila, lalo na sa pag-attend sa teachings, gatherings, at events. Kapag nagbaba ng activities, dahil sobrang sigurado na ang kanilang masigasig na members na makakadalo, nagkakatinginan na lang ang mag-asawa at ginagawan ng paraan na masamahan kaming members nila sa anumang gawain ng CFC.

 

 Kaya nakakatuwa ang ganito dahil hindi naman masasabing marangya ang kanilang kabuhayan, pero gumagawa pa rin sila ng paraan para matiyak na “present” sila para sa mga gawain na maghuhubog sa kanilang members! Hindi lang para sa aming pamilya, nagagawa pa rin nilang sagutin ang ilang lutuin o pagkain kapag merong okasyon na ipinagdiriwang ang sinuman sa amin na members nila, maging kaarawan ng anak, wedding anniversary, o anuman.

 

 Sila iyong tipo na nagpupunta lang sa aming tahanan nang walang dahilan, at hindi pwedeng wala silang dala na kahit munting pasalubong para sa amin o sa aming anak (nag-iisa pa lang si Noe, “Chichoy” noon). Nagpupunta sila para lang makasama kami, ayon sa kanila. Hindi ba nakakataba ng puso?

 

 Kung nagkaroon man kami ng pag-aalala kung karapat-dapat ba kaming maglingkod bilang pastol sa CFC Community, ay dahil sa lahat ng naipakita at naipadama nina Bro Jones at Sis Estela sa amin. Ang tanong nga ni Sis April ay: “Kayanin ko kaya ang ginawa ni Sis Estela, ginawa nila para sa amin, at magawa ko rin para sa bagong members?”

 

 Kulang po ang isang maghapon para itala kung paano namin naramdaman ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng mag-asawang ito.. mas lumalim ang aming pagdarasal, binibisita kami kahit walang tukoy na okasyon, laging pinalalakas ang aming kalooban.. maraming bahagi ng kultura ng CFC, lalo na ang ugnayan ng members sa isa’t isa ay nakarating sa amin sa pamamagitan nila.

 

 Minsan nga ay biniro pa ako ni Bro Ruel dahil lahat na daw ng gawain ay pinagawa ko na sa aming Household Head, mula sa pag-aayos ng mga kasangkapan, pagsemento ng bakuran, pagkabit ng alulod sa bubong, at maraming iba pa! Pero ipinagtatanggol pa kami ng mag-asawang ito, at madarama talaga ang kasiyahan na makasama nila kami. Sa aking panig, handa kong ipagkatiwala sa kanila ang mga gawain na bihasa sila at nagpapasaya sa kanila.

 

Catalan Couple

 

 Isa pang nakakatuwa sa kanila ay iyong hinahangad talaga nila na lumago ang kanilang members kahit pa nga ang resulta nito ay maibubukod na ang members sa kanilang grupo, syempre kapag itinaas bilang mga bagong pastol. Noong unang maganap nga ito, nang itinalaga na sina Bro Nestor at Sis Girley bilang Household Leaders, ang eksena ay parang sa pagitan ng mga magulang at anak na ikinakasal, na siguradong maiiba na ang tahanang uuwian.

 

 Hindi ko po alam kung ang ganitong lalim ng samahan o ugnayan ay naganap sa iba pang CFC Household groups, pero sigurado po ako na talagang napalapit kami sa Panginoon nang magsimula kami bilang members sa ilalim ng pagpapastol nina Bro Jones.

 

 Sa pa-invite sa CLP, hindi rin nagpapahuli ang mag-asawang Bro Jones at Sis Estela Catalan, lalo na kung ito ay bilang pagtugon sa panawagan ng Unit na kanilang kinabibilangan. Active din ang kabataang magkakapatid na Catalan sa Kids for Christ (KFC) at sa Youth for Christ (YFC). Marami rin po ang members ng aming CFC Chapter community na active sa gawain ng Family Ministries, pero ang pamilya po nila ang nakita ko, na mula sa magulang hanggang sa mga anak ay puro leaders na naglilingkod sa iba-ibang ministries!

 

 Kung tatasahin sila bilang leaders, ang mga members na kanilang pinastol ay naging CLP Facilitators na (Bro Javier at Sis Raquel Ramos), Household Leaders (kasama kaming mag-asawa), at meron na ring Unit Leaders na nga. Sa kasalukuyan, ang mag-asawang Bro Jones at Sis Estela Catalan ay Household Leaders sa Unit C ng Chapter 2 (CFC Cavite Sector 2 Cluster A Chapter 2).

 

 

Bro Nestor at Sis Girley Villanueva

 

 Sina Bro Nestor at Sis Girley ay ang isa pang couple na kasama namin bilang original members ng Household group na pinastol nina Bro Jones at Sis Estela. Itong sina Bro Nes at Sis Girley bilang members, mula nang kami ay magsimula, ay ang tanging members na laging present sa anumang activities, bukod sa aming mag-asawa.

 

 Kapag inilalarawan ko ang pag-uugali ng mag-asawang ito tungkol sa kanilang paglilingkod, ang pagkakaintindi ko kung bakit sila maalab at talagang aktibo sa pagtugon, ay dahil pakiramdam nila ay late na nang makilala nila ang Diyos sa paraang sapat para kumilos sila at magbahagi ng kanilang buhay. “Dapat pala noon pa kami nag-serve.” – ganyan ang pakiramdam ko sa init ng kanilang pagkilos, na nanghihinayang sila sa panahon na nagdaan na hindi pa sila yumakap sa panawagan ng Panginoon.

 

 Bilang members, halos kasabay namin sa lahat ng teachings itong sina Bro Nes at Sis Girley. Sa Speakers Training na pinangunahan ni Bro Obet Martin ay magkasama rin kami; isa nga si Bro Nestor sa kumikilala na maganda ang ginagawa ko na pag-translate sa expanded outlines ng talks, at nang lumaon nga ay napapakinabangan namin ito sa pag-serve bilang speakers. Panandalian kaming nagkahiwalay sa Household group nang maging Household Leaders sila, pero nagkasama kami ulit nang pagkatiwalaan kami bilang bagong pastol. Sa pagbibigay sa amin ng service-position na Chapter Database Administrator, nakasama rin namin sila sa Household group ng upper pa (Chapter Level).

 

Nes and Girley Villanueva Couple

 

 Iyon nga lang.. Kahit na nasa isang enlightened community na tayo, hindi pa rin natin maiwasan na subukin tayo sa iba-ibang aspeto. Kung minsan, mga kapatid pa natin sa pananampalataya ang nagiging tulay o paraan para subukin ang ating katatagan (stability) sa ating pagsunod kay Cristo. At ilang beses din kaming nakarinig ng puna o negative feedback dahil na rin sa pagiging “sobrang active” naming mag-asawa bilang members, at nang magtagal pa ay bilang leaders na nga rin. Ganito rin ang nasaksihan namin para kina Bro Nes at Sis Girley.

 

 Kaya isa sa mga naging kapalit nito, lagi namin na gustong maipagtanggol din ang mag-asawang sina Bro Nes at Sis Girley, kahit pa nga sa umabot sa madalas namin silang paalalahanan sa anuman ang inaasahang gawin nila (sila po ang aming Pastoral Household Leaders nang italaga sila bilang Unit Leaders nang kami ay magkaroon ng pinapastol na couples). Gayunman, naging bukas ang kanilang isipan at puso, at nakatutuwa na lagi silang nagtatanong sa amin kahit bilang pagkumpirma sa mga bagay-bagay, o paghingi ng payo sa aspetong administrative na.

 

 Unti-unti nga na lumago sina Bro Nes at Sis Girley bilang iyong tipo ng leaders na gagampanan muna ang ipinagkatiwala sa kanila, bago ang reklamo at puna. Sa bandang huli, kapag “nakaraos na” at natapos nga ang isang gawain, pinipilit na nilang tabunan at huwag pansinin ang mga reklamo at puna. Mula sa kanila, natuklasan ko na hindi nga pala tayo pwedeng magreklamo kung hindi muna tayo tutugon at naging bahagi nitong gawain na pinatutungkulan.

 

 Unti-unti rin, lumago sila bilang mga lingkod na ayaw na basta-basta sumuko, kahit pa ang kapalit nito ay hindi pala nila makakasama ang ilang mga tao na inaasahan nilang makakapagbigay ng suporta sa iba-ibang paraan. Sila rin ngayon ay naging mga lider na hinahanap kung ano ang tama, ano ang administrative requirements, ano ang expectations ayon sa CFC culture.. at kung sakaling hindi maisagawa ang mga ito ay gagawan na lang nila ng paraan kahit lumabas pa na dagdag tuloy ito sa kanilang pananagutan.

 

 Kung tatasahin sila bilang leaders, ang mga members na kanilang pinastol ay naging CLP Facilitators na at meron nang Household Leaders din. Sa ngayon, ang mag-asawang Bro Nestor at Sis Girley Villanueva ay Unit Leaders ng Unit A sa Chapter 2 (CFC Cavite Sector 2 Cluster A Chapter 2).

 

 

Bro Nilo at Sis Theya Villanueva

 

 Hindi pa man natatapos ang Dedication Ceremony (CLP Talk 12) noong kami pa ang participants, ay sinabihan na agad kami ni Bro Josenilo na sasama na kami sa Music Ministry ng Chapter group, at kasabay din nito bilang choir na naglilingkod sa dalawang parokya.

 

 Kung merong isa pang couple na maituturing na idolo namin pagdating sa pag-invite ng participants sa CLP, ito ay ang mag-asawang Bro Nilo at Sis Theya Villanueva.

 

 Sa aming listahan, ang mag-asawang ito ay ang pinaka-madalang na nakasama namin sa regular na Household meeting o social gatherings ng community, pero hindi sila nagpahuli sa pag-ugnay sa aming mga puso; ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagtitiwala sa amin sa kung anu-anong bagay. Nakakatuwa ang ganito dahil hindi naman sila malapit sa aming tinitirahan, hindi rin sila kabilang sa Unit (C) namin, dahil sila ay Unit Leaders (Unit A) nang kami ay dumating sa community.

 

 Sila iyong tipo ng leaders na hindi mo pa hinihingi ay binibigay o iniaalok na nila ang anumang makakatulong sa inyo. At nagtatampo pa sila kapag hindi mo pagbigyan – na para bang kapag hindi pinagbigyan ay pinigilan mo rin ang pagkakataon na maging bahagi sila ng iyong buhay. Hindi ko sigurado kung sa amin lang sila ganito, pero kapag kami ay lumapit sa kanila ay hindi sila nagdadalawang-isip na magbigay ng tulong sa iba-ibang paraan.

 

 Minsan nga ay nakausap ko si Bro Nilo dahil sa ilang pagtitipon ay nabanggit na isa rin siya sa matalas ang dila at pwedeng ituring na hindi maingat sa pagsasalita. Sabi ko sa kanya, “Bro, wala akong patunay kung totoo ang ganyan tungkol sa iyo.” Ang natatandaan kong sagot niya, “Kaya kayo (kami ni Sis-wife April) ay walang naririnig na masakit o mabigat mula sa akin, ay dahil wala naman kayong pagkukulang o pagkakamali kung pag-uusapan ang service kay Lord.”

 

 Nang sila ay maging Chapter Leaders, iba-ibang gawain ay ipinagkatiwala nila sa mga maituturing na “mas batang members” ng community na hindi nagpapaawat sa alab ng paglilingkod. Nakasama tuloy kami sa pinagkatiwalaan bilang Team Leaders ng teachings at events, pinabigyan ng training bilang speakers, at binigyan nga ng speaking assignments pagkatapos. Ang katwiran ni Bro Nilo, “Iyong mga takot sa responsibilidad, wala na tayong magagawa. Kayo ang ipinadala ni Lord, bakit sino ba ako para maging choosy pa?”

 

Josenilo and Liceria Villanueva Couple

 

 Nakakatuwa rin, na hindi rin basta-basta sumusuko ang mag-asawang ito. Marami nang dumating at umalis, nag-init at tumamlay sa paglilingkod, pero nagpatuloy pa rin ang mag-asawang ito para gampanan ang iniatang sa kanila. Palagay ko, ang ganitong pag-uugali ang isa sa pinakamatinding dahilan kung bakit sila pinagkakatiwalaan at sinusuportahan kahit ng leaders sa upper.

 

 Si Sis Theya nga ay hindi nag-aatubili na sabihan kami na “na-miss namin kayo” kapag choir service o practice ay hindi kami makarating dahil na rin sa iba-ibang bagay. Kitang-kita talaga kay Sis Theya ang kakaibang lungkot nang mabanggit namin na merong malaking pagkakataon na lilipat na kami ng tirahan, dahil sa aking hanapbuhay.

 

 Para maiayos ang “transition” naming mag-asawa para maging bahagi ng CFC Community dito sa Caloocan kung saan kami nakatira na ngayon, nakipag-ugnayan kami sa ilang leaders na hinanap namin. Nakausap ni Bro Boyet Rafael na Sector Head ng CFC Metro Manila West A itong si Bro Nilo.

 

 Ang sabi ni Bro Boyet sa akin: “Ipinaglalaban kayo ng Chapter Head ninyo (si Bro Nilo nga) at mukhang ayaw pa kayong pakawalan, pero kinikilala niya na mahalaga ang Pastoral Household Meetings na nahihirapan kayong madaluhan. Sa pakikipag-usap ko kay Bro Nilo, masasabi kong mahusay ang pagkakahubog sa inyo ng grupo ninyo sa CFC Cavite.”

 

 Kung tatasahin sina Bro Nilo at Sis Theya bilang leaders, ang mga members na kanilang pinastol ay naging Family Ministry Coordinators (FaMin) na, Unit Leaders, at merong mga nai-assign sa Social Ministries rin. Dahil sa ang kanilang kasalukuyang service-position ay Chapter Leaders (CFC Cavite Sector 2 Cluster A Chapter 2), sinisikap din nila na mag-train ng speakers na nagmumula sa Chapter, para sa ginaganap na mga teachings.

 

 

Bro JM at Sis Cess Benito

 

 Ang mag-asawang Jhon Mart at Princess ay kumakatawan sa kung anuman ang naiambag namin para sa gawain ng Panginoon. Sila ay laging nagpapasalamat sa amin, sa kanilang pagpapaliwanag na talagang naramdaman daw nila ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng aming pagpapastol.

 

 Kapag merong panawagan, lagi silang tumutugon. Ayon sa kanila, kapag merong hindi malinaw sa pinagagawa sa kanila, iniisip lang daw nila kung ano ang ginawa namin para sa kanila, at nagiging magandang gabay na ang ganito para maging kabahagi sila ng tagumpay ng gawain.

 

 Participants sila sa CLP nang una namin silang makilala, pero sa pormal na pagkakatatag ng aming grupo ay talaga namang napalapit sila sa aming puso. Ninong na nga po ako ni Caitlin Ysabel na kanilang supling (buntis si Sis Cess nang magsimula ang CLP noon). Ang sabi nga ni Sis Cess sa amin: “Hindi na kayo makakatakas pa, dahil bahagi na kayo talaga ng aming pamilya!”

 

 Kung kaya kaming mag-asawa naman ay gayon na lang din ang pagpapasalamat sa Panginoon!

 

 Sila ay laging nagtatanong kung ano ang dapat, kung ano ang inaasahan. Sa kanilang pagtitiwala sa amin, nagagawa nilang isangguni ang mga bagay-bagay na hindi naman na tuwirang patungkol sa service, pero dahil hinahanap daw nila kung ano ang nais ng Diyos sa kanilang buhay. Sila ay bukas-palad. Sila ay mapagpakumbaba. At hinahanap din nila ang paraan para mapagaan ang ilang mga bagay para sa amin na kanilang pastol at para din sa kapwa nila members ng aming Household group.

 

 Bago pa man makaabot ng isang taon ang aming Household group, kinailangan namin na magkabukod-bukod dahil na rin sa isinama kami sa Upper Household pa (Chapter level) nang i-train sa bagong service-position na “Chapter Database Administrator” at unti-unti ay lumipat nga kaming mag-anak sa Metro Manila. Pero kahit ganito, madalas pa ring sumasangguni sa amin ang aming original Lower-Household members, at kahit ang mga itinalaga na mga pastol nila ay itinuturing na kami pa rin ang sinusubukang gayahin at sundin ng mga ito tungkol sa service kay Lord.

 

Benito Couple

 

 Nang anyayahan sina Bro JM at Sis Cess para maging facilitators nang nagdaang CLP, naulit ang alinlangan namin ni Sis April, naulit sa mag-asawang Benito, nang tanungin daw nila ang kanilang sarili kung kakayanin ba nilang tapatan ang pagmamahal namin sa gawain ng Diyos at pagmamahal namin sa aming members.

 

 Gayunman, sa totoo lang ay hinahangaan naming mag-asawa itong sina Bro JM at Sis Cess. Sina Bro JM at Sis Cess ay tila nagpakita ng “blind obedience” – natutunan daw nila mula sa amin na kahit ano pa ang paanyaya, basta para kay Lord, ay “YES ang priority na sagot.” Masasabing kulang sa panahon at merong mahalagang teachings na hindi pa nila nakuha noong sila ay ginawang discussion group leaders (dahil na rin nataon na nagkaroon ng reorganization na naka-apekto hanggang sa pinaka-ilalim, na naging dahilan para maraming ilipat at itaas na leaders). Pero hindi ito nagpaawat sa kanila para tumugon.

 

 Ayon sa mag-asawang ito, nang pinaghahandaan na nila ang Talk 9 na siyang puso ng pagpapanibago na inihahandog ng anumang CFC local community.. ginagaya lang daw nila kung paano kami makipag-usap noong sila ang participants, ginagaya lang daw nila kami na ang intensyon ay maipadama sa participants na mahal sila ng Panginoon.

 

 Sa aming paniniwala, sina Bro JM at Sis Cess ay buhay na patunay na ginamit kami ng Panginoon para sa Kanyang plano ng kabutihan, kaligtasan, at pagmamahal.

 

 Noong minsang nagpunta ako sa bahay nila, ganito ang sinabi ni Bro JM sa kanilang mga kasama sa bahay, bilang pagpapakilala sa akin: “Ito si Bro Jayson. Sasagutin niya ang anumang katanungan ninyo tungkol kay Lord.” Ang dating sa akin nito ay labis-labis na pagpapasalamat sa ganitong uri ng pagtitiwala nila, pagkat isa sa mga pangarap ko ay maipakilala ang Panginoon sa aking kapwa nang hindi ko natatakpan ang tunay na mensahe Niya.

 

 Hanggang sa bandang huli, hanggang sa hindi pa nai-announce sa CLP Dedication nitong new members, ay hindi pa rin inisip ng mag-asawang Jhon Mart at Princess na itatalaga na sila bilang Household Leaders. Nakatuon sila sa service, hindi sa position.

 

 Nagsisimula pa lang sa pagiging pastol itong sina Bro JM at Sis Cess, pero tapat ako sa pagtatasa sa kanila.. na kung sila ay maging Household Leaders namin, sigurado ako na nasa tamang landas kami sa pagsunod sa Kagustuhan ng Diyos sa ilalim ng kanilang paggabay..

 

 Bakit?

 

 Inanyayahan nila ang sarili nila sa knilang Christian Life Program bilang pasasalamat sa Diyos. Binuksan nila ang kanilang puso at buhay sa gawain ng Panginoon. Tulad ng batang si David, tumuloy sila sa laban na dala lang ang pananampalatayang kasama nila ang Diyos. Higit sa inspirasyon nila kami, ay inspirasyon talaga namin sila tungkol sa pagtugon nang walang pinag-aalala.

 

 

 At iyan po ang limang couples na nais namin mabigyan ng munting pagpaparangal at pagkilala bilang naging daluyan ng pagmamahal ng Diyos papunta sa amin, at mga ka-tropa ni Cristo Jesus na hindi nakakasawang makasama. Kung meron man tayong alam o makita o matuklasan na kanilang kamalian, kahinaan, kakulangan.. baka meron tayong nalalaman o matuklasan na aming pagkakamali, panghihina, pagkukulang.. sana gayahin natin kung paano namin pinagsisikapang gayahin si Cristo (1 Corinto 11:1).

 

One Comment

  1. Bro. Hanga ako sa inyong dedikasyon sa pagseserbisyo kay Lord.Sana Magawa ko rin yan.God Bless and more power to your chapter.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *