Matatagpuan sa kuwento ng paglikha sa aklat ng Genesis ang simula at saligan ng pag-unawa nating mga tao patungkol sa pagmamahal ng Diyos. Balikan at ipagdiwang natin: Ang Mukha ng Pagmamahal ng Diyos.
Sa ngayon, dapat malinaw at niyayakap natin ang katotohanan ng pagmamahal ng Diyos na hindi nagbabago. Ang pagmamahal ng Diyos ay isang uri ng pagmamahal na lumilikha, nakukumpleto dahil sa pagbabahagi.
Kaakibat ng paglikha sa tao, ang tao ay naging ka-manlilikha (co-creator) ng Diyos, at kasama nito ang kaloob na malayang wisyo (free will), para magkaroon ng kakayahan ang tao na mamahala sa iba pang gawa ng Diyos.
At sila’y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.”
~ Genesis 1: 28
Ang tao, sa kanyang paggamit ng malayang pagpapasya ay nagagawang maitaboy ang Maylikha sa pamamagitan ng pagkakasala (basahin ang Genesis 2). At mula noon pa, tuloy-tuloy ngang nasusuway ng tao ang Diyos at sumasalungat sa Kanyang pamamaraan.
Sa kabila ng kasalanan ng tao, ang pagmamahal ng Diyos ay hindi kumukupas:
- Kahit nagkasala sina Adan at Eba, bilang pagpapamalas ng Kanyang grasya ay binigyan sila ng kasuotan ng Diyos (Genesis 3: 21).
- Nang patayin ni Cain ang kapatid nitong si Abel, ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pagmamahal at awa nang markahan Niya si Cain para hindi siya basta na lang saktan o patayin ng sinumang makakita sa kanya (Genesis 4: 15).
- Nang magpasya ang Diyos na lipulin ang kasamaan sa daigdig sa pamamagitan ng Matinding Baha (“The Great Flood”), inutusan ng Diyos si Noe na bumuo ng arko para iligtas ang matuwid mula sa kamatayan (Genesis 13-14; 17-18).
- Kahit pa ang sangkatauhan ay patuloy na sumusuway at sumasalungat sa Diyos, nangako pa rin ang Diyos kay Abraham ng pagmamahal sa lahi nito, pagmamahal na pang-habampanahon. Ang ganitong pangako ay itinuturing na “Tipan,” na pinasimulan ng Diyos dahil na rin sa kalikasan Niya ng pagmamahal.
Matinding pangako o kasunduan ang isang “Tipan”. Ang Bibliya ay nahahati sa dalawang “tipan”, ang Matandang Tipan at Bagong Tipan. Itong mga “Tipan” — sa wikang Ingles ay “Testament” o “Covenant” — ay nagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos.
Ano ang kahulugan sa ating buhay ng mga binanggit dito na mga patunay ng pagmamahal ng Diyos, ng mga kuwento ng mga tao na naitala sa Lumang Tipan ng Bibliya?
Ang mga bahaging ito ng kasaysayan ay nagpapaalala sa atin sa mga katangian ng pagmamahal ng Diyos — na ang pagmamahal ng Diyos ay (1) pagmamahal na lumilikha; (2) pagmamahal na lumilikha ng daan pabalik sa Diyos, lumilikha ng bagong pagkakataon, isang pagmamahal na nagpapatawad; at (3) pagmamahal na tumutubos.
Ang pagmamahal ng Diyos ay tuloy-tuloy na lumilikha, lumalabas sa Kanyang sarili para makarating sa mga tao na Kanyang minamahal. Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi kumukupas, hindi nagmamaliw, nagpapabalik sa kabutihan, totoo, kahit sa anong panahon.
*** Gabay sa Pagninilay ***
a. Sa paglalahad ng kasaysayan ng aking buhay, matutukoy ko ba ang mga patunay ng pagmamahal sa akin ng Diyos?
b. Sa panahon ng pandemya, anu-ano ang mga patunay ng kabutihan at katapatan ng Diyos sa akin at sa mga malapit sa akin?
*** Prayer Song ***
“I will give thanks to Thee, O Lord, among the people. I will sing praises to Thee among the nations. For Thy steadfast love is great, is great to the heavens. And Thy faithfulness, Thy faithfulness to the clouds! Be exalted, O God, above the heavens! Let thy glory be over all the earth!”
..
In our lives, may God be praised! Amen.
..