Sa simula, binasag ng Diyos ang nakabibinging katahimikan at kawalang-buhay ng kalawakan; inalis Niya ang nakabubulag na kadiliman. Nilagyan ng Diyos ng laman ang kawalan, inistorbo ang tunog ng katahimikan. Ginawa Niya ang lahat ng ito para ipamalas at ibahagi ang Kanyang pagmamahal. Pagkat ang pagmamahal ay hindi pagmamahal kung hindi ibinabahagi.
Ang umpisa ng pagkaunawa natin sa pagmamahal ng Diyos ay matatagpuan sa kuwento ng paglikha sa aklat ng Genesis. Dahil ang Diyos ay pagmamahal, sa Kanya mismong kalikasan ay kusa Siyang lumikha para maibahagi ang ganitong pagmamahal. Ang pagmamahal ay tunay na nagiging kumpleto lang sa pagbabahagi.
Sa loob ng limang araw, nilikha ng Diyos ang kalangitan at mundo, ang tubig at lupa, mga hayop, at mga halaman. Sa bawat nilikha ng Diyos, inilalarawan ito sa pamamagitan ng mga salitang, “Nasiyahan ang Diyos nang mamasdan ang mga gawa Niyang mabuti.” (Gen 1: 4, 10, 12, 18, 21, 25).
Sa ika-anim na araw, nilikha ang lalaki at babae (Gen 1: 27). Matapos likhain ng Diyos ang tao ay “lubos Siyang nasiyahan.” Ang kasiyahan ay nag-uugat mula sa mabuti!
Matapos likhain ang langit at mundo, tubig at lupa, hayop at halaman – nasiyahan ang Diyos dahil lahat ito ay mabuti. Nang likhain ang lalaki at babae, lubos na nasiyahan ang Diyos dahil ang mga tao ay lalong mabuti.
Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang larawan. Sa Kanyang banal na wangis (divine image), nilikha ng Diyos ang tao. Napakahusay na pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos na ang tao ay nilalang na kawangis Niyang Maylikha!
Kaya ang pagmamahal ng Diyos ay kamukha mo, kamukha ng bawat tao! Anuman ang iyong madilim na kahapon o kasalukuyang pinagdaraanan, ang katotohanan ng pagmamahal ng Diyos ay masasalamin sa iyo, masasalamin sa bawat tao.
*** Gabay sa Pagninilay ***
a. Kapag sinabing “mukha ng pagmamahal ng Diyos”, ano ang unang sumasagi sa isip ko?
b. Ano’ng bahagi ng aking pagkatao — aking nakaraan, o aking napagtagumpayan, o taglay ko ngayon — ang gustong gusto ko? Naibabahagi ko ba ang mga ito para lumikha ng kasiyahan o magbigay ng inspirasyon sa aking kapwa?
c. Sa gitna ng nagaganap na pandemya, ano na ba ang nilikha ko o ibinahagi ko sa aking kapwa, bilang pagpapasalamat sa lahat ng mabubuting bagay na nagmumula sa Panginoon?
*** Prayer Song ***
“Create in me a clean heart. Put a new and right spirit within me. Cast me not away from Your Presence and take not Your Holy Spirit from me.”
..
In our lives, may God be praised! Amen.
..