0

Buhat sa mga Bagyo ng Buhay

 

 Bagyo ang madalas na paglalarawan nating mga Filipino sa panahon ng paghihirap o pagdurusa. Maaring ito ay dahil sa ang isang bagyo ay napakahirap mahulaan o masukat ang pagdating, at lagi’t lagi na lang ay hindi natin kontrolado ang epekto. Pwede ring dahil napakaraming bagyo at malakas na pag-ulan ang bumibisita sa bansang Pilipinas sa bawat isang buong taon kung kaya naging di-maiiwasang bahagi na ito ng ating Kulturang Pinoy.

 

 Ang salaysay na naririto ngayon ay tungkol sa pagharap ng aking pamilya (tinutukoy ko ay ang pamilyang meron akong tuwirang responsibilidad bilang ama ng tahanan) sa mga itinuturing kong pagdaan ng bagyo, pagbabalik-tanaw sa mga usapin o bagay na maisasakdal laban sa akin, at pagbabahagi ng mga natuklasan ko o pilit kong niyayakap sa prosesong ito ng pagkatuto.

 

 

MGA BAGYO SA AKING BUHAY

 

 February 2014 nang naging qualified ako na makuha ang pribilehiyo (privilege) sa kumpanyang naging sandalan ng aming ikinabubuhay; ang tinutukoy ko ay ang makalipat ng tirahan na ang bahagi ng gastusin ay sagutin ng naturang kumpanya.

 

 July 2014 nang maging opisyal ang pagkakahiwalay ko sa kumpanyang ito. Nawalan ng saysay ang aming paglipat at pananatili sa isang lugar na lahat ng aking pamilya ay banyaga.

 

 February 2014 din nang pagbukod-bukurin ang mga pinapastol naming mag-asawahan bilang pagsunod sa hinihingi ng namamahala sa aming service sa CFC. April 2014 nang mahirapan na kami nang husto na makapaglingkod nang regular sa CFC community.

 

 July 2014 nang isilang ang aming ikalawang anak; higit sa kalahati ng aming ginastos para sa kanyang kapanganakan ay iniregalo o hiniram lang namin. Wala akong palusot; ang konting pera na meron kami ay nailaan namin sa ibang bagay, dahil na rin siguro kami ay nagtitiwala na makakaagapay pa rin naman kami. Nahihiya ako sa aking pamilya, lalo sa aming ikalawang anak, dahil sa lahat ng ganitong “pakikipagtuos sa buhay” na nagaganap sa amin.

 

 July 2014 nang makakuha ako ng panibagong kumpanya na nagtiwala sa aking kakayahan. Ang bagong kumpanyang ito ay nagsisimula pa lamang dito sa bansa ngayong taong ito, at hindi ako pumayag na ipagawa sa akin ang mga bagay na wala akong tuwirang pagpayag, karanasan, at responsibilidad. Kinailangan kong umalis mula dito sa pagdating ng August; isang buwan lang akong nanatili at palagay ko ginawa ko ang aking makakaya upang hubugin ang mga taong itinalaga sa aking pamamahala dito. September 2014 nang matuklasan kong nagsipag-alisan na rin ang aking mga pinamahalaan dito sa kumpanyang ito, dahil sa iba-ibang uri ng kapabayaan umano.

 

 August 2014 nang makipagpalitan ako ng mensahe sa isang tao — napalapit siya nang siya ay malayo, at napalayo siya nang siya ay lumapit — tao na nananatiling mahalaga sa aking buhay, aming buhay; ang mensahe ay tungkol sa pagkakaroon ng kanya-kanyang landas.

 

 Ang dating madalian at mabilisan lang kung mangyari sa akin — ang magkaroon ng marami kahit mababang-bayad lang na kliyente — ay hindi ko na magawa, dahil na rin sa nabakante ako nang halos isang taon, nang ilaan ko ang lahat ng aking oras sa isang kumpanya.

 

 September 2014, ngayong buwan na ito, kailangan kong tanggapin ang tulong ng panig ng aking maybahay at magsimulang muli sa lugar na sinubukan naming iwanan dahil na rin sa aming pagsisikap na maging responsable sa buhay.

 

 September 2014, pinagdudahan ang aking katapatan sa paghahanapbuhay bilang bahagi ng (naunang) kumpanya, kung kaya pala hindi maibigay sa akin ang dapat sana ay nakuha ko na dahil sa aking paninilbihan sa kanila. At sa isa pang kumpanya, ang mga tao na nakatalaga para ibigay sa akin ang kakulangan sa bayad sa aking serbisyo, ay wala na at nag-iwan ng problema sa aking record sa kanila.

 

 Ipinagpapasalamat namin na kahit papaano, merong mga tao na ginamit ng Diyos upang makapaglaan ng tulong sa amin sa panahong ito.

 

 Nasanay ang aming panganay, na kapag nananatili sa lugar ng aking kabataan ay nakabakasyon siya sa pagpasok sa paaralan. Ang naging ugali ng batang ito nang ilipat siya ng pinapasukang paaralan, ay matatawag kong sabay na dumurog sa anumang natitirang tibay ng kalooban naming mag-asawa.

 

 

MGA SAKDAL LABAN SA AKIN

 

 Gusto kong maitala o mailista ang mga kamalian, kakulangan, at kalabisan ko bilang ako, sa paraan kung paano ito “malamang” na nakikita o natutunghayan ng mga pinakamalalapit (pisikal, emosyunal, espirituwal) na mga tao sa aking buhay. Hindi ako naglagay ng anumang pagtatanggol ng aking sarili, dahil hindi ganito ang intensyon ko, kundi para mas maintindihan ko kung ano ang dapat kong pagdusahan o matutunan mula sa mga nagaganap sa aking buhay.

 

1. Bilang Anak ng Aking Ina

 

 – ako ang may pinakamalaking pakinabang sa kabuhayan at pag-aari ng aking ina

 – ako ay walang utang na loob

 

2. Bilang Anak ng Aking Ama

 

 – humingi ng kapatawaran ang aking ama, binigyan ko siya ng pagpipilian

 – hindi na ako nakibalita pa sa kung anuman ang nangyari sa aking ama

 

3. Bilang Kapatid sa Dugo (biological brother)

 

 – kinuha o inagaw ko ang atensyon at pagmamahal na dapat ay sa kapatid ko na nakalaan

 

4. Bilang Kamag-anak

 

 – ako ay madamot

 – ako ay mapagmalaki

 

5. Bilang Kaibigan

 

 – ako ay hindi tumutulong sa oras ng pangangailangan

 – ako ay merong mga pananaw at desisyon na hindi rin nakatulong sa kanila

 – hindi ako marunong magbayad ng perang inutang sa takdang panahon

 

6. Bilang Kapatid sa Pananampalataya at Paglilingkod

 

 – ako ay nagpapakitang-gilas lang

 – ako ay gumagawa ng sarili kong version ng paglilingkod

 

7. Bilang Asawa

 

 – ako ay padalos-dalos

 – hindi ako nagpapatalo sa usapan at sa pagdesisyon

 – dahil lagi kong gustong masunod ang gusto ko, anumang sablay sa mga nagaganap kahit hindi ko kontrolado ay isinisisi ko sa sarili

 

8. Bilang Ama

 

 – ako ay sobrang istrikto (sa pagdidisiplina)

 – lagi akong nakasimangot o mukhang galit

 

 

MGA NATUTUHAN KO

 

1. Mula sa Aklat ni Job

 

 Kung iginiit ni Job na sa kanyang pagkaunawa ay wala siyang nagawang labag sa kagustuhan ng Panginoon at hindi niya inaasahan o hindi siya dapat nagdurusa ng ganoon.. hindi ganito ang aking pakiramdam.

 

 Pinagtatalunan man naming mag-asawa at ng ilang mga nakilala ko sa paglilingkod, pakiramdam ko ay kasalanan ko ang malaking bahagi ng dinaranas kong bagyo sa aking buhay; at idinamay ko pa ang aking mag-iina ngayon.

 

2. Mula sa “Purpose-Driven Life” ni Rick Warren

 

 Alam nating ang librong ito ay pag-uugnay-ugnay ng mga katotohanang nakasandal sa Holy Bible at pagsusuri sa mga modernong Kristiyanong pamayanan. Nabasa ko na ang librong ito nang ilang beses, ngunit lagi pa rin akong may napupulot na bagong aral o naaalala ang halos-limot ko na. Malinaw sa akin na hindi ko mauunawaan ang lahat ng kung anong nangyayari, at hindi man makumpleto ang pang-unawa ko sa ngayon ay dapat pa rin akong manatiling naghahangad na matupad ang kagustuhan ng Panginoon sa aking buhay.

 

 Isang mungkahi o suggestion sa librong ito ang nag-udyok sa akin na i-publish ang ganitong pagsasalaysay, upang hindi masayang ang mga karanasan at magkaroon ng pagkakataon ang iba na matuto rin.

 

3. Mula sa Pag-uusap Naming Mag-asawa

 

 Ayon sa aking maybahay ay dumaranas kami ng ganito dahil sa inihahanda kami sa ilang pangyayari o responsibilidad sa hinaharap.

 

 At sumasang-ayon ako sa kanya.

 

 At napakalaki ng aking pasasalamat na nananatili kami sa aming sinumpaan sa altar, at nagpipilit na magampanan ang aming paglilingkod sa Diyos kahit sa munting paraan.

 

4. Mula sa Aking Pagdarasal at Pagninilay

 

 Ang mga pagsubok na ganito ay paghuhubog, pagkakataon upang dakilain ang Diyos, at magpasalamat pa rin dahil sa kahit papaano ay mas magaan pa rin ang aming pasanin kumpara sa iba.

 

 Ang mga pagsubok na ganito ay pagtuturo sa anuman ang dapat naming hanapin o pagpasyahan, ayon sa ano ang gusto ng Diyos na mangyari sa aming buhay.

 

 Kung ang ganitong dinaranas namin ay paghuhubog at pagtuturo, ito rin ay isang uri ng paglilinis upang mas maunawaan namin kung alin ba ang mas mahalagang paglaanan ng panahon at ito nga ang isakatuparan.

 

 Kahit ano pa ang mga ito, sa palagay ko, siguro naman ay nakahanda na ako o kami. Gusto ko nang matapos ang ganitong paghuhubog, pagtuturo, paglilinis — upang patunayang handa naming gampanan ang anumang nakalaan sa amin.

 

 Kung ang dumaan ay pawang mga bagyo, naniniwala ako at nagtitiwala kaming mag-asawa — malapit nang sumikat ang araw.

 

At makakamtan din namin ang anumang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tinawag Niya bilang anak.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *