0

Household Leaders Training Talk 1 – Being a Servant (Filipino Version)

PAGIGING LINGKOD (Being A Servant)

A. PANIMULA

1. Upang maging mas mabuting Kristiyanong lingkod, nararapat na maunawaan natin ang kalikasan ng paglilingkod bilang tagasunod ni Cristo Jesus.

a) Kailangang itanong sa ating sarili:

* Bakit tayo naglilingkod?

* Sino tayo bilang tagapaglingkod?

* Paano ba tayo naglilingkod?

b) Upang masagot ang mga tanong na ito, dapat magkaroon tayo ng isang pagtingin sa katotohanan na makakapagturo sa atin ng kabuuang pagturing sa paglilingkod na ating gagampanan. Dapat na makita natin ang katotohanang ito sa ating mundong ginagalawan, hindi sa kung paano ito nakikita ng mundo, ngunit sa kung paano ito nakikita ng Diyos.

2. May dalawang pangunahing bahagi ng katotohanan ang dapat nating makita.

a) UNANG KATOTOHANAN. Mayroong dalawang kaharian ang nagtutunggali, ang kaharian ng kadiliman sa ilalim ni Satanas at ang kaharian ng liwanag sa ilalim ng ating Panginoon.

* Itong si Satanas ay may totoong kapangyarihang espirituwal. Mayroong puwersa na nasa kanyang kontrol na sumasalungat sa Diyos at mga tagasunod ng Diyos.

Efeso 6:12

“SAPAGKAT HINDI TAYO NAKIKIPAGLABAN SA MGA TAO, KUNDI SA MGA PINUNO, SA MGA MAYKAPANGYARIHAN, AT SA MGA TAGAPAMAHALA NG KADILIMANG UMIIRAL SA SANLIBUTANG ITO — ANG MGA HUKBONG ESPIRITUWAL NG KASAMAAN SA HIMPAPAWID.”

* Ang pinaka-pangunahin na kalaban natin ay hindi mga problema ng lipunan, kahinaan ng tao, kakulangan sa edukasyon, o anupaman na katulad nito — isang buong kaharian ang ating katunggali. Ang laban natin ay isang espirituwal na digmaan.

* Kung kaya anumang gawin natin na tumutukoy sa pag-alis ng sinumang tao mula sa kaharian ng kadiliman, at pagdadala sa taong ito patungo sa kaharian ng liwanag ng Diyos, ay tumutukoy din sa pakikipaglaban para sa puso at isip ng mga tao. Sa madaling sabi, ang ating paglilingkod ay pakikibahagi sa espirituwal na pakikidigma (SPIRITUAL WARFARE).

b) IKALAWANG KATOTOHANAN. Ang tao ay nasa kasalanan at pagkabilanggo, at kailangang matubos.

* Ang saligang problema ng mundo ay hindi ang mga sakit ng lipunan, kundi ang pag-iral ng kasalanan (ang mga sakit ng lipunan ay paghahayag o bunga lamang ng tunay na problema).

* Ang tao ay kailangang maipagkasundo sa Diyos, at tanging sa pamamagitan ni Hesus magagawa ito.

* Tayong mga naglilingkod ang mga kinakasangkapan ng Diyos upang makapagbalik-loob ang ibang tao sa Kanya.

c) ANG DALAWANG KATOTOHANANG ITO ANG SIYANG DAPAT BUMUO SA ATING PANANAW KUNG PAANO BA MAGLINGKOD ANG TAGASUNOD NI JESUS.

3. Ang Kristiyanong paglilingkod ay hindi lang tumutukoy sa gawain, kundi kung sino at ano ka sa pagsasagawa nito.

a) Ang dapat bigyang-diin ay ang pagiging tagapaglingkod, higit sa maisagawa ang gawaing-paglilingkod.

b) Tukuyin kung sino ba talaga ang pinaglilingkuran (greater emphasis on the LORD of the work, NOT the WORK of the Lord). Batayan: Kwento nina Marta at Maria.

Lucas 10:38 42

SI JESUS AT ANG KANYANG MGA ALAGAD AY NAGPATULOY SA KANILANG PAGLALAKBAY, AT PUMASOK SA ISANG NAYON. MALUGOD SILANG TINANGGAP SA TAHANAN NINA MARTA AT NG KAPATID NIYANG SI MARIA. NAUPO ITO UPANG MAKINIG SA KANYANG MGA ITINUTURO.

SI MARTA NAMAN AY ABALANG-ABALA SA PAGHAHANDA, KAYA’T LUMAPIT SIYA KAY JESUS AT DUMAING, “PANGINOON, BALE-WALA PO BA SA INYO NA PINABABAYAAN AKO NG KAPATID KONG MAGHANDA NANG NAG-IISA? SABIHAN NGA PO NINYO SIYANG TULUNGAN NAMAN AKO.”

NGUNIT SINABI NG PANGINOON SA KANYA, “MARTA, MARTA, NABABALISA KA AT ABALANG-ABALA SA MARAMING BAGAY, NGUNIT KAKAUNTI LAMANG ANG TALAGANG KAILANGAN. MAS MABUTI ANG PINILI NI MARIA AT ITO’Y HINDI AALISIN SA KANYA.”

B. PAGIGING LINGKOD — ARAL MULA SA BAGONG TIPAN

1. Tungkulin ng isang lingkod

Lucas 17:7 10

“SINO SA INYO ANG MAKAPAGSASABI SA INYONG ALIPING KAGAGALING SA PAG-AARARO O SA PAGPAPASTOL NG MGA TUPA SA BUKID, ‘HALIKA AT KUMAIN KA NA’? HINDI BA’T ANG SASABIHIN NINYO AY, ‘IPAGHANDA MO AKO NG HAPUNAN, MAGBIHIS KA, AT PAGSILBIHAN MO AKO HABANG AKO’Y KUMAKAIN. PAGKAKAIN KO, SAKA KA KUMAIN.’

PINASASALAMATAN BA NG AMO ANG KANYANG ALIPIN DAHIL SINUSUNOD SIYA NITO? GANOON DIN NAMAN KAYO; KAPAG NAGAWA NA NINYO ANG LAHAT NG INIUUTOS SA INYO, SABIHIN NINYO, ‘KAMI’Y MGA ALIPING WALANG KABULUHAN; TUMUTUPAD LAMANG KAMI SA AMING TUNGKULIN.’”

a) Nawalan na tayo ng ugnay sa tunay na kahulugan ng salitang “alipin” kung paano nauunawaan sa panahon ng pagkakatawang-tao ni Jesus.

* Noong panahong iyon, ang isang alipin o lingkod ay isang tao na itinuturing na pag-aari ng amo, at walang karapatan na kahit ano.

* Kaya nga ang kwento ni Jesus ay nakakamangha sa mga tagapakinig Niya. Hindi nila basta maunawaan ang isang sitwasyon na ang isang alipin ay pinaglilingkuran ng kanyang amo.

b) Tayo ang mga alipin ng Panginoon. Tayo ay nabili o natubos na sa pamamagitan ng Kanyang dugo. Hindi na tayo ang nagmamay-ari sa ating sarili. Tayo ay mga tao na inaasahang maglilingkod sa Panginoon nang walang pag-aatubili.

2. Katangian ng isang lingkod

Filipos 2:5-8

NAWA’Y MAGKAROON KAYO NG KAISIPAN NA TULAD NG KAY CRISTO JESUS. KAHIT SIYA’Y LIKAS AT TUNAY NA DIYOS, HINDI NIYA IPINAGPILITANG MANATILING KAPANTAY NG DIYOS.

SA HALIP, KUSA NIYANG HINUBAD ANG PAGIGING KAPANTAY NG DIYOS, AT NAGING KATULAD NG ISANG ALIPIN. IPINANGANAK SIYANG TULAD NG KARANIWANG TAO.

AT NANG SI CRISTO’Y MAGING TAO, NAGPAKUMBABA SIYA AT NAGING MASUNURIN HANGGANG KAMATAYAN, MAGING ITO MAN AY KAMATAYAN SA KRUS.

a) Ang Kristiyanong paglilingkod ay hindi isa pang landasin para sa katuparan ng pansariling hangarin (SELF¬-FULFILLMENT). Wala tayong sapat na batayan para igiit na ang ibinibigay na gawain ng Diyos ay sakto sa ating pagkatao, mga hilig, o pansariling layunin.

b) Ang Kristiyano ay hindi naghahangad na mapaglingkuran ang sarili. Bagkus, sa kababaang-loob ay inilalagay ng Kristiyano ang sarili sa mga pagkakataon na mapagsisilbihan ang kapwa niya. Ang batayan ay mismong halimbawa ni Jesus.

3. Pagka-masunurin ng isang lingkod

Hebreo 5:8

KAHIT NA SIYA’Y ANAK NG DIYOS, NATUTUHAN NIYA ANG TUNAY NA KAHULUGAN NG PAGSUNOD SA PAMAMAGITAN NG PAGTITIIS.

Kahingian sa pagiging-panginoon ni Jesus, at mismong pagiging-lingkod natin, ay ang pagka-masunurin sa Kanyang pamamahala. Ang pagiging masunurin ay hindi maaaring maging kalahati lamang o may agam-agam sa puso. Kung hindi si Jesus ang nangunguna sa lahat ng aspeto ng ating buhay, ang pagkilala natin sa Kanya bilang amo at panginoon ay nawawalan ng kabuluhan.

C. HADLANG SA PAGIGING MASUNURIN

1. Likas na pag-iwas sa “pagiging alipin”

a) Iniisip natin na ang mga alipin o lingkod ay mababang-uri, umaasa lang sa utos, at walang pansariling kakayahan para umunlad.

b) Solusyon: Itama ang konsepto; ang Diyos ang ating pinaglilingkuran, na inihahanda Niya tayo para maging bahagi ng Kanyang gawain.

2. Likas na pag-iwas sa pag-iisip muna sa kapwa bago ang sarili

a) Mas madalas nating iniisip kung ano ang makabubuti para sa ating sarili, ang katuparan ng ating mga gusto.

b) Solusyon: Itama o ibagay ang sariling buhay tungkol sa paglilingkod. Kilalanin, na ang bawat lingkod ng Panginoon ay hindi kailanman tutungo sa isang sitwasyon para sa pansariling kapakinabangan, kundi naghahanap ng pagkakataon upang mapaglingkuran ang kapwa.

3. Pagiging mapaghimagsik ng tao

a) Ang ating pinagmulan na pagiging suwail o kasysayan ng pagrerebelde ay nagtutulak sa atin upang sabihing, “Hindi ako maglilingkod.”

b) Solusyon: Magsisi at manindigan na sumunod.

4. Kakulangan sa pagtitiwala (sa Panginoon, sa heads o mga nagpapastol sa atin, sa ating mga kapatid sa komunidad)

a) Ating inaalala: “Kung susunod ako, ma-aalagaan ba ako? Maaari ba akong umasa sa kanila?”

b) Solusyon: Manalig ka!

* Kilalanin na tinatawag tayo ng Diyos upang maglingkod, at aalagaan Niya tayo bilang Amang mapagmahal.

* Kilalanin na naglalagay ang Diyos ng mga pastol na mamamahala sa atin, at kumikilos Siya sa pamamagitan ng mga taong ito.

* Kilalanin na tinawag tayo ng Diyos sa CFC community upang sa pagtalima natin ay maranasan natin ang tunay na kapatiran sa Panginoon.

D. PAGLAGO BILANG MGA KRISTIYANONG LINGKOD

1. Higit sa pagiging masigasig at sabik na lingkod, nais ng Panginoon na tayo ay lumago sa pagiging Kristiyano. Nais ng Panginoon ng mga tao na Kanyang maaasahan – ang lingkod na lumago ay matatawag ding alagad.

2. Ilang palatandaan ng paglago:

a) Ang karunungang Kristiyano at katuruan ay natutupad sa ating buhay.

b) Ang ugnayan (sa Panginoon at sa bawat isa) ay matatag at buo.

c) Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay nasasalamin sa pagkatao.

* Araw-araw na sarilinang pananalangin (personal prayer).

* Pagdalo sa gawain at aktibong pakikipag-pulong (meetings).

* Katapatan sa iniatang na gawaing-paglilingkod (service assigned).

d) Kayo ay mga taong may paninindigan sa kanilang binibitiwang salita. Kayo ay may kakayahang kilalanin ang pananagutan at manindigan para dito.

e) Ang pagtugon o paghahanap ninyo ng solusyon sa iba-ibang hadlang at kakulangan sa inyong buhay, ay nag-uugat sa inyong pagiging Kristiyano. Bawat araw ay dapat itinuturing na pagkakataon upang maging tulad ni Cristo Jesus.

f) Kayo ay may kakayahan at kagustuhang makapaglingkod na hindi kailangang kilalanin, pasalamatan, o gantimpalaan. Kahit pa kinikilala at pinahahalagahan ng Diyos at ng CFC community ang inyong ginagawa, hindi ang mga bagay na ito ang nagpapakilos sa inyo. Ang ating paglilingkod ay nagmumula sa ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

E. PAGLALAGOM

1. Kapalit ng pagiging-lingkod

2 Corinto 11:23 28

SILA BA’Y MGA LINGKOD NI CRISTO? NAGSASALITA AKONG PARANG ISANG BALIW, NGUNIT AKO’Y MAS MABUTING LINGKOD NI CRISTO KAYSA KANILA; MAKAILANG ULIT AKONG NABILANGGO, HINAGUPIT NANG MARAMING BESES, AT MADALAS NA NABINGIT SA KAMATAYAN.

LIMANG BESES AKONG TUMANGGAP NG TATLUMPU’T SIYAM NA HAGUPIT MULA SA MGA JUDIO; TATLONG ULIT KONG NARANASANG HAGUPITIN NG MGA ROMANO, AT MINSAN NAMANG BINATO. TATLONG BESES KONG MARANASANG MAWASAK ANG BARKONG AKING SINASAKYAN, AT MINSA’Y MAGHAPO’T MAGDAMAG AKONG LULUTANG-LUTANG SA DAGAT.

SA MALIMIT KONG PAGLALAKBAY, NALAGAY AKO SA IBA’T IBANG PANGANIB SA MGA ILOG, SA MGA TULISAN, SA MGA KAPWA KO JUDIO AT SA MGA HENTIL; MGA PANGANIB SA LUNSOD, SA ILANG, SA DAGAT, SA MGA NAGPAPANGGAP NA MANANAMPALATAYA.

NARANASAN KO RIN ANG LABIS NA HIRAP AT PAGOD, MALIMIT NA PAGPUPUYAT, AT MATINDING GUTOM AT UHAW. NARANASAN KO ANG GINAWIN NGUNIT WALA MAN LAMANG BALABAL. BUKOD SA LAHAT NG IYAN AY INAALALA KO PA ARAW-ARAW ANG IGLESYA.

a) Marahil ay wala naman sa atin ang kailangang pagdaanan ang mga naranasan ni San Pablo Apostol, pero ang pagiging lingkod ng Diyos ay may kaakibat na ilang paghihirap at dusa.

b) Anumang nakabibigat o kahirapan na kaugnay ng pagiging lingkod ay inaasahang makapagbibigay ng kasiyahan sa atin. Mayroong dahilan ang bawat pagdadaanang hirap.

2. Ang buhay natin ay parang butil ng palay

Juan 12:24 26

PAKATANDAAN NINYO: HANGGA’T HINDI NAHUHULOG SA LUPA ANG BUTIL NG TRIGO AT MAMATAY, MANANATILI ITONG NAG-IISA. NGUNIT KUNG ITO’Y MAMATAY, MAMUMUNGA ITO NANG SAGANA.

ANG TAONG NAGPAPAHALAGA SA KANYANG SARILI LAMANG AY SIYANG MAWAWALAN NITO, NGUNIT ANG TAONG HINDI NAGPAPAHALAGA SA KANYANG BUHAY SA DAIGDIG NA ITO AY SIYANG MAGKAKAROON NG BUHAY NA WALANG HANGGAN.

ANG NAGHAHANGAD NA MAGLINGKOD SA AKIN AY DAPAT SUMUNOD SA AKIN, AT SAANMAN AKO NAROROON AY PUMAPAROON DIN SIYA. PARARANGALAN NG AMA ANG SINUMANG NAGLILINGKOD SA AKIN.

a) Upang maging mabunga ay kailangan nating bumagsak sa lupa at mamatay (kailangang mailibing muna ang palay bago mamunga ng ginto).

* Tayo ay dapat mamatay sa ating pagiging makasarili.

* Inuuna natin dapat ang Panginoon sa lahat ng aspeto ng ating buhay.

b) Ang pagkamatay natin sa ating sarili ay nagbibigay-buhay naman sa iba.

3. Tayo ay mapalad na maging mga lingkod ng Panginoong Diyos

Lucas 12:37 – pagtanggap ng tunay na kasaganaan

MAPALAD ANG MGA ALIPING AABUTANG NAGBABANTAY PAGDATING NG KANILANG PANGINOON. TANDAAN NINYO: MAGBIBIHIS SIYA AT PAUUPUIN SILA, IPAGHAHANDA SILA NG PAGKAIN AT PAGSISILBIHAN.

Mateo 5:11-12a – pagtanggap ng tunay na kagalakan

“MAPALAD ANG MGA NILALAIT AT INUUSIG NG MGA TAO, AT PINAPARATANGAN NG LAHAT NG URI NG KASAMAAN NA PAWANG KASINUNGALINGAN, NANG DAHIL SA AKIN. MAGSAYA KAYO AT MAGALAK SAPAGKAT MALAKI ANG INYONG GANTIMPALA SA LANGIT.”

Lucas 11:27-28 – pagiging kabilang sa mga anak ng Diyos

HABANG NAGSASALITA SI JESUS, MAY ISANG BABAING SUMIGAW MULA SA KARAMIHAN, “MAPALAD ANG BABAING NAGBUNTIS AT NAG-ALAGA SA IYO.”

NGUNIT SUMAGOT SIYA, “HIGIT NA MAPALAD ANG MGA NAKIKINIG SA SALITA NG DIYOS AT TUMUTUPAD NITO!”

Mateo 13:11 – pagkakaroon ng lahat ng karapatan ng mga anak ng Diyos

SUMAGOT SIYA, “IPINAGKALOOB SA INYO ANG KARAPATANG MAUNAWAAN ANG HIWAGA TUNGKOL SA KAHARIAN NG LANGIT, NGUNIT HINDI ITO IPINAGKALOOB SA KANILA.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *